Tutunog ang alarm. Maliligo. Maghahanda papasok sa trabaho. Bantay oras. Tantsa. Lakad patungong kanto. Earphone sa tenga na parang walang paki sa mundo. Nakakita ka boy, hindi ka lang nakakarinig. Wow ang daming tao, may artista bang dadaan? Kung bakit ba sa kahabaan ng kalye ay may iba't ibang klase ng tao na lahat ay malamang na hinihintay. Mapapailing na lang. Anu na nga lang ba ang kaya kong gawin?
Ganito ang buhay ng tipikal na komyuter sa Bacoor. City na pala kami. Hindi na bago sa akin ang mga bagay na to. Simula pa noong nalaman ko na malapit lang pala ang lungsod ng Maynila sa amin. Sa pagkakaalam ko grade 3 pa ako nun. 30 minutes lang maaring nandun ka na. Maaari. Dapat pala sanay na ako. Parte na ng katawan at isip ko. Pero tila ata lumalala. Hindi ba nasosolusyunan. Malamang. Hanggang ngayon. Maski mga ka-trabaho ko todo iwas sa Aguinaldo hi-way. Hi. High volume ng mga sasakyan ang naiipon dito. Ganito ba ang kaakibat ng pag-unlad? Bago ang mga kalsada. Pero hindi mo pa matatawag na kalsada kasi hindi pa tapos. Hindi pa gawa. Tawagin na lang natin na "tiwangwang na sementadong lupa". Ang tagal gawin mga kapatid. Ke-paluwas at pauwi ka sa makasaysayang lalawigan ng Cavite, dumaan ka muna sa butas ng karayom. Naiisip ko rin na siguro kulang ang mga bus na magluluwas at mag-uuwi ng tao dito. Para kasi kaming mga zombie sa umaga, zombie din pala sa gabi. Kung babasahin mo ang mukha ng mga nag-aabang, makukuha mo. "Kuya parang awa mo na buksan mo na ang pinto ng bus". At kung nabasa ni manong driver at naawa sayo. Swerte. Bukas pinto. Dadagsain naman ng mga zombies. Araw-araw sardinas pala agahan at hapunan ko.
Maunlad na nga ang bayan na kinalakihan ko. Ganito sana ang kapalaran ng lahat ng bayan sa Pinas. Siguro dadaanin ko na lang sa tawa ang trapik, stress, apakan ng paa, siksikan at tulakan, yung mga walang pakisamang pasahero na ayaw umatras sa likod - maluwag pa naman, konduktor na mamaya ka na daw susuklian tapos makakalimutan mo ang sukli mo, at tayuan ng hanggang dalawang oras. Sa loob ng bus, may kanya kanya pa rin kaming dahilan para tumawa. Iling-iling, na parang pinapagpag na lang ang masalimuot na pagluwas. Pagdating mo naman sa opisina magkakape ka na lang. Tambak na dokumento, email, request at deadline ni boss, mas-presurred. Gayunman isipin mo na lang kung saan ka nanggaling. Pag-uwi mo, natapos na naman ang isang araw.
No comments:
Post a Comment